NEWS

Año sa mga bagong promote na DILG officials: Tingnan kung may mala-Boracay na problema sa inyong lugar

March 13, 2018

Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang mga bagong promote na director at iba pang DILG officials na suriin kung mayroong paglabag sa environmental laws at iba pang batas sa kanilang lugar upang hindi na maulit ang nangyayaring krisis sa Boracay.

Sa kanyang pahayag sa kauna-unahang mass oath-taking na ginawa sa DILG central office, sinabi ni Ano na ang kasalukuyang problema sa Boracay ay isang sintomas lang at ang tunay na sakit ay nasa implementasyon ng batas.

“Hinihimok ko kayo na tulungan kaming itama at resolbahin ang problema sa Boracay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng angkop na pagkilos sa inyong lugar upang ang ibang bahagi ng bansa ay hindi na humantong pa sa ganoong sitwasyon,” saad nito.

Sinabi din niya sa mga bagong promote na opisyal na unawain at magsilbing aral ang problemang nangyari sa Boracay upang maiwasan itong maulit muli sa lugar kung saan sila ay nakatalaga.

Ayon sa DILG chief, hindi na dapat hintayin ng LGUs na magkaroon ng environmental crisis sa iba pang tourist spots sa bansa gaya ng El Nido, Coron, Siargao, Camiguin at iba pang lugar.

“Bilang DILG field officials, maaari ninyong mapigilan ang katulad na krisis na ito kung kayo ay magiging mapagbantay,” aniya.

Sa usapin ng Barangay appointment scams, inatasan ng DILG chief ang mga bagong promote na opisyal na kunin ang mga pangalan at detalye ng personalidad at grupo na humihingi ng kabayaran kapalit ng umano’y posisyon sa darating na Barangay at SK elections.

“Hindi pinapahintulutan ng DILG itong mga indibidwal o grupong ito na magsolicit ng pera kanino man. Mag-ingat kayo sa mga nagpapanggap na ito at ireport ninyo agad sa amin upang mapatawan sila ng parusa at masampahan ng kaso alinsunod sa ating batas,” paliwanag niya.

Ang ranggo ay may katumbas na responsibilidad

Sa 31 bagong promote na opisyal, 20 ang Local Government Operations Officer (LGOO) VIII na may ranggong City at Provincial Directors. Lima ang naitalaga bilang Director III na may titulo ngayon Assistant Directors. Tatlo ang may taglay na Director IV na may posisyon na Bureau Director at tatlong Regional Directors na tumaas ang ranggo bilang Career Executive Service Officers (CESO) mula CESO IV hanggang CESO III.

Sinabi pa nito na karapat-dapat lamang na mabigyan ng promotion ang mga opisyal na tapat na naglingkod bilang public servant sa Departamento.

Ayon pa sa kalihim, ang sinasabing “rank has its privileges”(RHIPs)" ay mayroong kasamang “rank has its responsibilities” (RHIRs).

"Sabi nga ni Spiderman, with greater power means greater responsibilities. Kaugnay niyan, nanawagan ako sa inyong lahat na magtrabaho tayo ng mas mabilis, mas epektibo at mas mahusay lalo ngayong nasa mas mataas na kayong puwesto,” paliwanag ni Ano.