NEWS

ADVISORY

Año sa dismissal ng 3 PNPA kadete: "Wala silang puwang sa akademya"

December 5, 2018

"Walang silang [tatlong kadete] puwang sa akademya."

Ito ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año matapos ilabas ang hatol na dismissal sa tatlong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) para sa kasong hazing/sexual harassment.

"Sa PNPA nag-uugat ang paghahasa ng kaalaman ng ating mga kapulisan at ang ganitong uri ng pang-aabuso sa ating mga kadete ay hindi kailanman pahihintulutan at ito ay bibigyan ng karampatang aksyon," ani Año.

"Walang puwang sa PNPA ang mga kadeteng baluktot mag-isip at lalong walang espasyo para sa mga baluktot na gawain. Maging ang ating Pangulo ay nabigla sa nasabing pangyayari," dagdag niya.

Binanggit ni Año ang pagpapasya ni PNPA Director, PCSupt. Jose Chiquito M. Malayo na may sapat na basehan at ebidensya na nagdidiin sa tatlong kadete (na sapilitang pinarusahan ang dalawa pang kadete na magsagawa ng oral sex) sa mga kasong grave misconduct at conduct unbecoming of an officer or acts inimical or prejudicial to good order and discipline.

"Dahil sa bigat ng kaso laban sa mga kadete na tuwirang lumabag sa New PNPA Cadet Guide, wala nang pinakamainam na parusa para sa kanila kundi and dismissal sa cadetship program," aniya.

Maging ang Philippine Public Safety College (PPSC) ay sang-ayon sa pagpapasya ng PNPA "sapagkat ito ay patunay na ang mga kaso ng misconduct at hazing ay hindi papayagan sa Akademya at ng PPSC na tuwirang namamahala sa PNPA."

"Mahigpit na tumututol ang PNPA at PPSC sa anumang uri ng pagmamaltrato. Hinikayat namin ang lahat ng Constitutive Units at Regional Training Centers na ipaalala at bigyang-diin ang Anti-Hazing Policy ng PPSC bilang pagtalima sa Anti-Hazing Act of 2018," ani PPSC President PDDG Ricardo De Leon.

Ipinaliwanag ni Año na isa sa mga nagtapos sa Philippine Military Academy na ang parusa sa loob ng PNPA ay limitado lamang sa mga pisikal na gawain tulad ng push-ups at hindi kahalayan o anumang gawaing sekswal.

Ayon sa DILG Chief, ang PNPA ay may matibay na kasaysayan ng mga nagsipagtapos na mga pulis na iniaalay ang sarili para sa paglilingkod sa bansa at ang nasabing pang-aabuso ay isang mantsa na dudungis sa reputasyon ng akademya.

"Atin nang tinanggal sa posisyon ang dating pinuno ng PNPA bunga ng pagkukulang nito sa pangangasiwa sa akademya at ngayon nga ay ang dismissal ng mga kadete. Nawa ay ito na ang huling insidente para sa PNPA," aniya.

Ayon sa kanya, ang dismissal ng mga nasabing kadete ay isang paalala sa PNPA at iba pang institusyong pang-edukasyon na maging mas mapagbantay at tiyakin na ang kapakanan ng mga mag-aaral ang pangunahing prayoridad.

Sexual Hazing

Sa nasabing pagpapasya ng PNPA, nakasaad na ang hazing ay maaaring uriin sa iba't ibang kategorya kasama ang, ngunit hindi limitado sa, karahasan, pagpapahiya, sekswal, at may kaugnayan sa alkohol.

Sinasabi din nito na sa ilalim ng sexual hazing, nakapaloob ang kahalayan o sex acts, sodomy at "forced kissing' na maaaring magdala ng traumatic stress at emotional damage sa mga biktima.

"Anumang anyo ng hazing ay hindi papayagan sa PNPA. Bunga ng pagkakasangkot sa kahiya-hiyang insidente, niyurakan ng tatlong kadete ang magandang reputasyon at imahe ng akademya," ani Año.

Ipinaalala din niya sa PNPA at lahat ng mga pamantasan sa bansa na tumalima sa isinasaad ng Anti-Hazing Law of 2018 sapagkat kakasuhan din ang mga na-dismiss na kadete ng hazing na maaaring maghantong sa kanilang pagkakakulong.

Nakasaad sa Section 8 ng Anti-Hazing Law of 2018 na "the responsibility of the schools to exercise reasonable supervision in loco parentis over the conduct of its students requires the prudent parents would employ in the same circumstances when disciplining and protecting their children."

"Para sa PNPA at iba pang mga pamantasan, ang pagiging mapagbantay ang susi. Marami tayong maaaring matutunan sa insidenteng ito. Ang hazing ay hindi lamang pisikal na pambubugbog, gaya nga ng nakasaad sa pagpapasya," aniya.

Sa Section 14 ng Anti-Hazing Law, reclusion perpetua at pagbabayad ng P2-milyon ang kaparusahan sa mga mapapatunayang nagplano at kasama sa hazing.