NEWS

ADVISORY

Año sa LGUs: Ipakita ang pagmamahal sa kultura sa pamamagitan ng local culture and arts council

February 19, 2018

Ngayong National Arts Month at panahon ng mga puso, nananawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad na palawigin ang pagtangkilik sa lokal na kultura at sining sa pamamagitan ng pagtatag o pagpapalakas ng kani-kanilang mga local culture and arts councils.

"Ang kultura at sining ang puso at kaluluwa ng ating bayan. Pinanatili nila ang ating kasaysayan at nagsisilbing tulay sa ating kasalukuyan at hinaharap. Itinatampok nila kung ano ang tunay na talento ng mga Pilipino," pahayag ni Ano.

Bawat rehiyon sa bansa ay may angking kultura at sining na nagpapakilala sa lokal na turismo at minumulat ang mga tao sa kasaysayan ng kanilang lugar,“ paglilinaw nito.

Ayon sa DILG, ang Local Culture and Arts Council ay pamumunuan ng local chief executive habang ang mga miyembro nito’y may kinatawan mula sa local historical society, grupo ng mga artist, negosyante at sektor ng mga dalubhasa, katutubo at mula sa lokal na tanggapan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Ang konseho ang mangangasiwa sa paghahanda ng taunang plano sa kultura, sining at pamanang lahi na alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) for Culture and the Arts na isasama naman sa local development plan at maging sa taunang ordinansa kaugnay sa pinaglalaanan ng pondo.

Ang konseho rin ang mangunguna sa mga aktibidad na may kinalaman sa kultura tulad ng cultural festivals, competition, lectures, seminars at symposia.

Ang konseho rin ang magdedeklara at mangagalaga ng heritage zone ng local government unit (LGU) alinsunod sa Republic Act No. 10066 o ang National Cultural Heritage Act. Ayon sa batas na ito, ang heritage zone ay isang historical, anthropological, archaeological, artistic geographical area o setting na mahalaga sa kultura ng bansa.

Datos sa estado ng kultura

Inihayag ng DILG Chief na ang DILG Bureau of Local Government Development (BLGD) ay gumagawa ng monitoring scheme na titiyak sa pagsunod ng LGU sa pagbuo ng Local Culture and Arts Councils. Ang kawanihan, sa pakikipag-ugnayan sa DILG Regional Offices, ang bahalang bumuo at magsama-sama sa lahat ng isusumiteng quarterly reports ng LGUs.

Pinahahalagahan ng DILG ang pagpapalaganap at pagpapanatili ng ating sining at kultura. Sa katunayan ay idinagdag ito sa mga batayang dapat makumpleto o magawa ng isang LGU para maisama sa taunang iginagawad at kinasasabikang DILG Seal of Good Local Governance (SGLG)," paglilinaw pa ni Ano.

Ayon naman sa NCCA, ang mga LGUs na hindi pa nakakapagbuo ng kanilang Local Culture and Arts Council o nais palakasin ang kanilang konseho ay maaaring humingi ng technical assistance sa NCCA upang magabayan sila kung sino-sino ang mga bubuo ng konseho kabilang na ang magiging tungkulin ng mga ito base sa DILG Memorandum Circular (MC) 2017-133.

Sinabi sa naturang MC na may legal na mandato ang DILG at NCCA na magsagawa ng sistematikong pangongolekta ng istatistika at iba pang datos na sasalamin sa tunay na lagay ng kultura sa bansa, na magsisilbing basehan para sa pagbalangkas ng mga polisiya para sa kultura.

Samantala, pinangungunahan ng NCCA ang selebrasyon ng National Arts Month na may temang “Ani ng Sining, Alab ng Sining” (Harvest of theArts, Flame of Art), na binibigyang diin ang halaga ng gawaing makasining sa Pilipinas at ang gawain ng mga Filipino artists at cultural workers. Ang schedule ng mga aktibidad at patimpalak sa buong bansa kaugnay sa National Arts Month ay makikita sa website ng NCCA.