NEWS

ADVISORY

Año kinondena ang pagpaslang sa alkalde ng Tanauan

July 2, 2018

Mariing kinondena ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano ang pagpaslang kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili na binaril habang nasa lingguhang flag raising ceremony ng pamahalaang lungsod Lunes ng umaga.

“Mahigpit na kinokondena ng DILG ang pagpaslang kay Mayor Halili at hindi kami titigil hanggang ang mga may kinalaman sa krimeng ito ay haharap sa katarungan,” ayon kay Ano.

Sinabi pa ni Ano na kanyang ng inatasan ang Philippine National Police (PNP) na tutukan ang lahat ng anggulo at motibo para madakip ang salarin at upang mabatid kung sino man ang nas likod ng pagpaslang sa alkalde.

"Inatasan ko ang PNP particular na si Calabarzon police director, P/Chief Superintendent Edward Carranza na gawing prayoridad ang kasong ito,” aniya habang ipinapaabot ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng nasawing alkalde.

Sinabi pa nito kay Carranza na magsagawa ng pagpapanayam sa mga pangunahing saksi na naroon din sa flag ceremony gayundin sa mga bodyguard ng napaslang na alkalde na maaring makapagbigay ng tunay na dahilan ng pagpatay at pagkakilanlan ng suspect.

“Maraming lumulutang na anggulo kaya trabaho ng Special Investigation Task Force na binuo ni P/Chief Supt.Carranza na pag-aralan at imbestigahan ang mga ito para agad na maresolba ang kaso ng pagpatay kay Mayor Halili,” dagdag ni Ano.

Si Halili ay nabaril ng hindi pa nakikilalang gunman sa flag raising ceremony Lunes ng umaga sa harap ng city hall. Ang mayor at mga empleyado ay nasa kalagitnaan na sa pagkanta ng Pambansang Awit nang may narinig na putok na tumama kay Mayor Halili sa dibdib. Wala namang ibang taong nasaktan sa pamamaril.