NEWS

ADVISORY

263 LGUs nasungkit ang pinakamahigpit na Seal of Good Local Governance ng DILG

October 8, 2018

Dalawang daan at animnapu’t tatlong pamahalaang lokal ang nakapasa sa 2018 Seal of Good Local Governance (SGLG), ang may pinakamahigpit na pamantayan na itinakda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ngayon.

Binabati ko ang 2018 awardees na nakapasa sa ‘all-in’ assessment criteria ng SGLG. Ito ay pagpapatunay na ang mga pamahalaang lokal sa bansa ay patuloy na nagsusumikap para mapaunlad ang antas ng serbisyo sa mga tao,” sabi ni DILG OIC Secretary Eduardo M. Año.

Sa kabuuang 1,682 pamahalaang lokal na inobserbahan ng DILG sa buong bansa, 17 lalawigan, 39 na siyudad at 207 munisipalidad ang nakapasa sa ‘all-in’ performance indicators ng pitong governance areas: pangangasiwa sa pananalapi; paghahanda sa sakuna; panlipunang proteksyon; kapayapaan at kaayusan; pagpapagaan ng pagnenegosyo at pagtataguyod ng kakayahan; pamamahala ng kapaligiran; at turismo, kultura at sining.

Sa mga nakalipas na taon, ang bilang ng mga nagagawaran ng SGLG ay dumadami kahit tumataas din ang pamantayan ng SGLG. Naiintindihan nating bumaba ang bilang ng mga nanalo ngayong taon dahil sa paghigpit ng assessment criteria na naging ‘all-in’ mula sa dating ‘4+1’,”sabi pa ni Año.

Noong nakaraang taon, 449 pamahalaang lokal ang pinarangalan ng SGLG sa pagkapasa sa pamantayang ‘4+1’ kung saan apat na core areas ang kinakailangang ipasa at kahit isang essential area lamang.

Binigyang-diin ng DILG Chief na 35 pamahalaang lokal ang laging nag-uuwi ng SGLG simula nang umpisahan ang programa noong 2015 hanggang ngayong taon tulad ng probinsya ng Iloilo, lungsod ng Mandaluyong, at bayan ng Kapatagan (sa Lanao del Norte).

Sinabi din nito na ang taun-taong pagtataas ng pamantayan ng SGLG ay hindi hadlang sa mga local government units (LGUs) upang lalo pang bumuti ang pamamahala tulad ng ipinakikita ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Kahanga-hanga ang ipinapamalas ng ARMM. Mula sa sero noong taong 2015 at anim noong 2016, ang rehiyon ay nag-uwi ng 20 awards noong 2017 at tumaas pa sa 23 ngayong taon kahit na tumataas ang pamantayan ng SGLG,” dagdag pa nito.

Bilang gantimpala, sinabi ni Año na ang mga nanalo ngayong taon ay tatanggap ng 2018 SGLG marker o muhon; karapatang tumanggap ng DILG Performance Challenge Fund (PCF) na pangpondo sa lokal na proyektong pangkaunlaran; at benepisyo mula sa iba pang programa ng DILG kabilang ang tulong sa pagpapaunlad ng kapasidad ng LGUs.

Region 1 nanguna muli

Isiniwalat ni DILG Spokesperson, Assistant Secretary Jonathan E. Malaya na ang Ilocos Region at Central Luzon ang nangunguna muli sa pagkakaroon ng pinakamataas na bilang ng SGLG awardees. Limampu’t isa sa Ilocos Region at 43 sa Central Luzon.

Pumapangatlo ang CALABARZON na mayroong 24 awardees, kasunod ang ARMM na mayroon 23 at Cagayan Valley na may 22.

Ang Western Visayas ay nasa ika-anim na puwesto na mayroong 21 awardees, sumunod ang Zamboanga Peninsula na may 11, Northern Mindanao at CARAGA na parehong may 10 awardees, SOCCSKSARGEN siyam at walo naman sa Bicol Region.

Ang Cordillera Administrative Region (CAR) at Eastern Visayas ay parehong pito ang awardees; habang ang National Capital Region (NCR) at Davao Region ay parehas na lima ang awardees. Apat ang nanalo sa MIMAROPA at tatlo naman sa Central Visayas.

Pagsasabatas ng SGLG

Ayon kay Malaya, ang pagsisikap ng Senado na maisabatas ang SGLG sa pamamagitan ng paghahain ng Senate Bill No. 1843 ay patunay ng pagiging epektibo ng naturang programa sa pagtataguyod ng mabuting pamamahala sa bansa.

Ang SGLG ang konkretong programa ng nasyunal na gobyerno upang kilalanin at bigyang gantimpala ang magandang pamamahala ng mga LGUs batay sa komprehensibong pamantayan na ipinapatupad ng walang kinikilingan o pinapaboran. Kaya nga ito’y isang tatak, isang sagisag ng karangalan sa mga nananalong LGUs,” aniya.

Nitong nakaraang buwan, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1843, kung saan 19 ang sumang-ayon, walang negatibong boto at walang abstention sa ikatlo at huling reading ng naturang panukalang batas.

Walang ibang mas magandang paraan para masiguro ang pagpapatuloy ng magandang programa katulad ng SGLG kung hindi ang pagsasabatas nito,” sabi pa Malaya.